Monday, 11 April 2011

Hindi BOYFRIEND ang kailangan ko!

Hindi ko kailangan ng boyfriend.

Hindi ko kailangan ng taong araw-araw magtetext at tatawag para i-check kung nasaan ako at kung ano ang ginagawa ko.

Hindi ko kailangan ng kaflirt.
Hindi ko kailangan ng ka PDA kung saan aani ako ng kritisismo sa mata ng publiko.

Hindi ko kailangan ng sundo sa bawat lakad na pupuntahan ko at anino sa mga bagay na gagawin ko.

Simple lang ang kailangan ko...

Gusto ko ng taong pwede kong tawagan sa hatinggabi kung kailangan ko ng kausap tungkol sa mga kabaliwan ko, yung tipong isang text lang ang gamot pag tuliro ako.

Gusto ko ng taong yayakapin ako kapag naiiyak ako dahil sa mga katangahang nagawa ko, yung tipong sesermunan muna ako, saka yayakapin at sasabihing ‘ginusto mo yan, tiisin mo’.

Gusto ko ng taong makakasama ko sa iba’t ibang lugar kahit na pareho naming hindi alam kung saan kami dadalhin ng mga layas naming talampakan, yung tipong kahit hindi namin alam ang daan, ligaw kaming nagtatawanan at nagbabatukan kapag nakakakita ng kotseng kuba sa lansangan.

Gusto ko ng taong mayayakap ko habang nanunuod ng romantic comedy films at horror kung kakayanin ko.

Gusto ko ng taong makikinig sa pag-amin ko ng mga katarantaduhan ko sa mundo, yung tipong harapang sasabihin sa akin kung mukha akong tanga o kaya "Adik ka talaga!".

Gusto ko nga taong nagsasabi ng totoo lalo na kung tungkol sa mga kapintasan ko, yung tipong sagad sa buto kung laitin ako at tagos sa laman ang pagsabi sa akin na pangit ako. Laitan na walang mulat!

Gusto ko ng taong tatawa sa mga walang kwenta kong istorya pero mananahimik kapag hindi na nakakatawa, yung tipong sasabihin sa akin kapag ang mga kwento ko ay bulok at di na mabenta.

Gusto ko ng taong hindi humihingi ng sorry kapag walang kasalanan at hindi aakuin ang pagkakamali na ako naman ang may kagagawan, yung tipong magpapataasan kami ng pride kahit na alam naming sa dulo ay pareho naman kaming talunan.

Gusto ko ng taong may sariling desisyon sa buhay. Yun may sariling opinyon. Yun halos magtalo na kami dahil magkaiba kami ng pananaw, pero sa huli, ako pa din ang masusunod. Ako ay nagbibiro lamang. Give and take. Hindi give ng give at take ng take.

Gusto ko ng taong kahit sa telepono lang ay haharanahin ako. Yun makikiawit sa akin sa videoke, at abutin na ng madaling araw sa pagkanta hanggang sa malatin at maging sintunado na.

Gusto ko ng taong hindi nabubuhay sa nakaraan, yung tipong pagtatawanan at pipintasan namin lahat ng naging syota namin kahit na alam naming minsan nila kaming sobrang sinaktan. ;)

HINDI KO KAILANGAN NG BOYFRIEND,
DAHIL ANG KAILANGAN KO AY IKAW...

JAY PERALTA.

Gusto kitang kasama sa bawat araw ko. Sabay nating pagtatawanan ang mundo. Sabay nating paglalaruan ang buhay. Sabi mo nga sabay nating babasagin ang mukha ng mga epal na taong walang ibang magawa kundi humusga ng kapwa.
Babasagin ang nguso kapag may humadlang. Sabay nating lalabagin ang mga batas na lumilimita sa mga pangarap nating dalawa. Ang bumangga sa atin, sabay nating itutumba.

I love you Dadi.